ANG ALAMAT NG WIKANG FILIPINO ni Virgilio S. Almario
ANG
ALAMAT NG WIKANG FILIPINO
ni
Virgilio S. Almario
Kung mamarapatin, isa itong personal na
gunita tungkol sa isang napakadramatikong yugto sa kasaysayan ng Wikang
Pambansa. Ito ang ilang taon bago ang kumbensiyong konstitusyonal noong 1972.
Niyanig noon ang Surian ng Wikang Pambansa ng iba’t ibang uri ng protesta. Una
ang mga sulating kontra-Pilipino na
gaya ng kay Geruncio Lacuesta simulang 1964 na “purista” ang Surian at dapat
dagdagan ang mga titik ng abakada upang madaliang tumanggap ng mga hiram na
salita mulang Espanyol at Ingles. Ikalawa, ang tahas na habla ni Kongresista
Inocencio Ferrer ng Negros Occidental, mulang 1963 hanggang 1970, na tumututol
sa pagpilì sa Tagalog bilang batayan ng Pilipino. Ikatlo, ang paglabas ng Maugnaying
Talasalitaan ng Lupon sa Agham sa pangunguna ni Gonzalo del Rosario na
umimbento ng mga salitang pantapat sa mga katawagang pang-agham at teknolohiya,
isang gawaing higit na nagpatindi sa paratang na “purista” ang wikang
tinatangkilik ng Surian at ng pamahalaan.
Mula sa mga pangyayaring ito, at ibang
mga katulad, ay sumulpot ang panukalang “Filipino” upang ipalit sa “Pilipino.”
Pangunahing proponent nitó si Dr. Ernesto Constantino at ilang guro sa UP na
naniniwala sa tinatawag niyang universal approach upang
lumikha ng isang wikang pambansa mula sa amalgamasyon ng mga wika ng bansa. Una
kong narinig ang bagay na ito sa kamanunulat na Rogelio Sicat na katulong noon
ni E. Constantino sa pagsulat ng konsepto ng “Filipino.” Sasamahan ko sana si
Roger sa krusada ngunit bago maganap iyon ay kumalas siyá sa grupo ni E.
Constantino. Naramdaman daw niya, sumbong ni Roger, na may motibong politikal
ang grupo. Mukhang gusto niláng agawin ang pamumunò sa Surian mula kay Direktor
Ponciano B.P. Pineda. Kaibigan naming manunulat si Ka Ponsing at kasama ako sa
mga manunulat na pumasok sa Malacañang upang itaguyod ang paghirang sa kaniya
kapalit ni Jose Villa Panganiban.
(Naalaala ko sa puntong ito ang mahigpit
din noong tunggalian nina Lope K. Santos, na isang manunulat, at Cecilio Lopez,
na isang doktorado sa lingguwistika, upang maging pinunò ng Surian bago
magkadigma. Disipulo ni Lopez si E. Constantino at alagad ng panulat ang
katangian ni Ka Ponsing. Sa panahong ito, marami nang ibang tapos sa
lingguwistika at kumikilos para sirain ang pamanang balarila ni Lope K. Santos.
Isa sa kanila si Dr. Alfonso Santiago ng Philippine Normal College noon at
pumoposisyon din kontra balarila at tuntunin sa ortograpiya ng Surian.)
Inabutan ng kumbensiyong konstitusyonal
ang sigalot. Naging aktibo ang naturang mga pangkatin sa debate hinggil sa
wikang pambansa. Tulad ng dapat asahan, naging tagapagtanggol si Ka Ponsing ng
Pilipino at ng Surian. Masuwerte siyá at tinangkilik siyá ni Blas Ople, isang
malapit na tagapayo ni Pangulong Marcos noon, at ipinalalagay kong siyáng bumalasa
sa kinalabasan ng mga tadhanang pangwika sa 1973 Konstitusyon. Sa isang banda,
nagtagumpay sina E. Constantino. Bininyagang “Filipino” ang bubuuing wikang
pambansa. Ngunit isinaad din sa pangkalahatang tadhana ng saligang-batas na
mananatiling isa sa mga opisyal na wika ang Pilipino hábang hinihintay ang
pagsilang sa Filipino.
Sa maikling salita, nanatili si Ka
Ponsing sa Surian at kahit nang buwagin ito at palitan ng Linangan ng mga Wika
sa Pilipinas (1987) at hanggang magkaroon ng 1987 Konstitusyon at itatag
ang Komisyon sa Wikang Filipino (1991). Samantala, pinapasok ni Ka Ponsing ang
mga tinawag kong mga “Linggwistadero” sa Surian bilang mga konsultant.
Nagresulta ito ng isang bagong tuntunin sa ortograpiya noong 1976, na labis
kong tinutulan at hindi sinunod ng maraming manunulat sa Liwayway at Balita.
(Ito palagay ko ang simula ng pagbabà ng awtoridad ng Surian hanggang sa
totoong sumadsad bilang KWF.) Nagresulta din ito ng pagpapaaral ng
lingguwistika sa mga kawani ng Surian at ng pagdami ng mga gurong gradweyt sa
naturang programa. Ang mga ito ang magtataguyod bilang mga titser at bilang mga
awtor ng teksbuk sa bagong tuntuning ortograpiko. Kahit si Ka Ponsing ay
nagbago ng ispeling sa pagsulat at nakilingguwistika sa mga forum pangwika.
Gayunman, retoke lang kung bagá ang lahat dahil ang mga patakarang pangwika ng
Surian ay hindi nagbago at walang naging pagkilos upang maghunos ang Pilipino
tungo sa Filipino.
Dapat din paláng isaalang-alang ang
papel ng aktibismo sa dramatikong panahong ito. Naging wika ng mga rali at
demostrasyon ang Pilipino, at kung tutuusin ay isang makapangyarihang salik na
bumigo sa muling pagpapairal ng Ingles at susi sa pagpapatibay ng isang
patakarang bilingguwal sa pambansang edukasyon. Ang aktibismo ang rurok ng paggamit
ng Pilipino bilang wika ng pagbabagong panlipunan at pampolitika.
Naging galít-batî naman ang relasyon
namin ni Ka Ponsing, lalo na nang hayagang manawagan ang UMPIL sa
estandardisasyon at hayagan kong tuligsaan ang ilang tuntunin sa bagong ortograpiya
ng Surian. Ngunit ipinagtanggol ko siyá sa mga banat nina Santiago at Ka Vito
Santos. Pinayuhan ko siyáng maglabas ng makapal na diksiyonaryong monolingguwal
bilang legacy bagaman ako rin ang isa sa mga bumanat sa naging
produksiyon.
Inabutan kami ng kumbensiyon para sa
1987 Konstitusyon sa ganitong alanganing relasyon. Sa kumbensiyon, muling
naging aktibo ang mga katunggali niya, lalo na ang grupong E. Constantino.
Masisinag sa tadhanang pangwika ng 1987 Konstitusyon ang tagumpay ng paglalakad
nina E. Constantino. At alam kong ipinagmalaki nilá ito sa buong UP kung hindi
man sa mga pambansang kumperensiyang pinagsalitaan nilá. Ipinanganak sa 1987
Konstitusyon ang wikang Filipino. Ngunit isa itong wika na Filipino lamang ang
pangalan ngunit Pilipino ang nagtataguyod na angkan. Nais itong maging ulila ng
mga kontra-Pilipino na kagaya ng DILA. Samantala, hindi ko na narinig ang universal
approach ni E. Constantino. Nang imungkahi kong palitan ang pangalan
ng aming kagawaran sa UP at gawing “Kagawaran ng Filipino at Panitikan ng
Filipinas” ay ipinagpilitan ng mga kagrupo ni E. Constantino na mas mainam
panatilihin ang Espanyol na “Departamento” at ang Pilipino na “Pilipinas.”
Hindi ko maintindihan ang lohika ng kanilang pasiya. Basta iyon daw ang
kanilang preference at waring magmula noon ay hindi lohika
kundi preference lamang ng naghaharing grupo ang sinusunod na
tuntunin sa ispeling. Sa kabilang dako, iyon din ang dahilan kung bakit hindi
nilá maiintindihan ang lohika ng aking kampanya para sa estandardisasyon at
saligang pangkasaysayan ng bawat tuntuning ortograpiko. Nagtuturo silá ng language
planning ngunit mukhang ayaw din niláng pinakikialaman ang takbo ng
wika. Descriptivists daw kasi silá. Gustong-gusto ko ang
inisyals ng aming kagawaran DFPP—“deaf” (DF) na “pipi” (PP) pa.
Inaasahan kong hindi nilá maiintindihan
ang panukalang Ortograpiyang Pambansa ng KWF. Unang-una,
nagmula sa pamumunò ko. (Jok onli!) Repeat, unang-una, dahil hindi
nasasaklaw ng kanilang planong “Filipino” ang implikasyong rebolusyonaryo ng
tadhana sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng 1987 Konstitusyon na payabungin at
paunlarin ang Filipino sa pamamagitan ng mga wikang katutubo ng Filipinas. Kayâ
noon pa, interesado lamang silá sa mga “baryasyon at varayti” ng Pilipino sa
palengke, sa kalye, sa tabloyd, sa wikang bakla, jejemon. Sa lahat ng
nakatatawang ituro sa klase. Sa lahat ng kakatwa. Ayaw niláng ilarawan man
lamang ang kailangan at nararapat na paglalahok ng mga matipuno at katutubong
salita mula sa mga buháy na wika ng bansa. Nakalulungkot isiping palalakihin at
aalagaan ngayon ng KWF ang Filipino bilang wikang pambansa sa kabila ng
pagtutol at pagsalakay ng mga ninong at ninang nitó sa binyag.
Patawad kung maraming mali at laging
pabor sa akin ang gunitang ito. Ito ang problema kapag tulad nina Aguinaldo at
Enrile ay matanda na ang gumugunita.
Ferndale Homes
17 Hulyo 2013
July 17, 2013 at 3:23pm
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento