ANG WIKA NG ATING IMAHINASYON (Panayam para sa KASUGUFIL, 23 Agosto 2014) ni Virgilio S. Almario
ANG WIKA NG ATING IMAHINASYON
(Panayam para sa KASUGUFIL, 23 Agosto 2014)
ni Virgilio S. Almario
MAY KAESKUWELA AKO na nananaginip daw sa Ingles. Naku, sabi ko, sana hindi ako lumilitaw sa panaginip mo. Kasi baluktot ang Ingles ko. Tumawa lámang siya at hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng tawa niya. Palagay ko, lumilitaw nga ako sa panaginip niya at eksampol ako ng baluktot na Ingles sa kaniyang mundo.
Ilan kayâ sa inyo ang tulad ng kaeskuwela kong nananaginip sa Ingles?
May mga sikolohista na nagsasabing imahen ang panaginip ng ating tákot at balísa. May nagsasabing larawan ito ng ating malalim na lunggati. Alinman ang tama, masisira ang sikolohiya kung guro ka sa wikang Filipino pero nananaginip sa wikang Ingles. Ang natitiyak ko, kung guro ka sa Filipino pero nananaginip sa Ingles, hindi ka makatutulong sa ating paksa—ang intelektuwalisasyon/ modernisasyon/elaborasyon ng ating Wikang Pambansa.
Bago ako magpatuloy, dapat linawin na maliban kay Charles A. Ferguson (1968), sa mga linggwistaserong Filipino ko lámang unang naengkuwentro ang terminong “intelektuwalisasyon,” lalo na sa sinulat nina Andrew Gonzalez at Bonifacio Sibayan. Ano ba ang ibig sabihin nitó? Ang sabi ng mga eksperto sa pagpaplanong pangwika (language planning), ito ang pagpapaunlad sa wika upang magkaroon ng salita o terminolohiya para sa lahat ng disiplina ng karunungan, kasáma na ang mga agham at ang iba’t ibang antas ng kultura, pati ang tinatawag na kulturang popular. Nayabangan ako sa pangalang “intelektuwalisasyon.” Para bang wala kailanmang katangiang intelektuwal ang ating wika. Kayâ higit na ninais kong gamitin ang “modernisasyon,” na ginamit din ni C.A. Ferguson. Ngunit para namang pagsunod lang ito sa uso, sa usong hatid ng Amerikanisasyon ng ating edukasyon.
Sa panukalang modelo ni Einar Haugen (1966) ng pagpaplanong pangwika, inilista niyang mga hakbang sa pagpaplano ang sumusunod: (1) seleksiyon ng pamantayan, (2) kodipikasyon ng pamantayan, (3) implementasyon, at (4) elaborasyon. Sinabi rin niyang ang unang dalawang hakbang ay bahagi ng paglalatag sa patakarang pangwika. Maaari nating sabihing nagdaan na ang ating Wikang Pambansa sa yugtong ito mula noong 1937 na ipahayag ni Pangulong Quezon ang Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa hanggang nitóng iproklama sa 1987 Konstitusyon na Filipino ang Wikang Pambansa. Nása ikatlong hakbang na táyo, sa implementasyon. Bagaman nais kong sabihin na marami pang problema sa kodipikasyon dahil sa hindi pa ganap na umiiral ang estandardisasyon alinsunod sa Ortograpiyang Pambansa.
Nitóng dekada 70, inisip ng ating mga eksperto sa lingguwistika, sa pangunguna nina A. Gonzalez at B. Sibayan, na kailangan na natin ang ikaapat na hakbang. At tinawag niláng “intelektuwalisasyon” ang elaborasyon ni E. Haugen. Ang totoo, tinawag din ni E. Haugen na “kultibasyon” (cultivation) ang kaniyang ikatlo at ikapat na hakbang. Kung pagpaplanong pampatakaran (policy planning) ang una’t ikalawang hakbang, ang implementasyon at elaborasyon ay nauukol naman sa mga gawaing kultibasyon—ang paglinang sa wika upang ganap na magamit sa anumang larang ng búhay, lalo na sa mga dominyo ng kapangyarihan (batas, pamamahala, negosyo, industriya, teknolohiya, atbp).
Gusto kong higit na gamitin ngayon ang “kultibasyon.” Itatanong ninyo, bakit hindi “paglinang”? Higit na katutubo ang “paglinang” at hiram ang “kultibasyon.” Ngunit sinasakyan ko lámang din ang inyong hilig bílang edukado—ang inyong hilig manghiram upang ipakilála ang pagiging edukado. Kayâ kung mapapansin ninyo ay “imahinasyon” ang ginamit ko sa pamagat ng panayam kong ito. Hindi “haraya.” Bakâ kasi mag-usisa pa kayo kung ano ang “haraya” samantalang tatanggapin ninyo kahit hindi ganap na naiintindihan ang “imahinasyon.” Kayâ dapat ninyong pansinin na “seleksiyon” ang ginamit ko, sa halip na “pagpilì”; “kodipikasyon” sa halip na “pagsasaanyong pasulat”; “implementasyon” sa halip na “pagpapatupad”; at “elaborasyon” sa halip na “pagpapasalimuot” o “pagpapayabong.”
Ang isang wikang moderno at may mataas na antas ng kultura ay nangangailangan ng bokabularyo para sa lahat ng disiplina ng karunungan at lahat ng makabagong uri ng pamumuhay. Ito ang antas ngayon ng mga pandaigdigang wikang tulad ng Ingles, Espanyol, French, German, Russian, Japanese. May aklatan ang mga wikang ito na maaaring sangguniin ng sinumang nais matuto ng anumang makabagong disiplina at nais magbalik sa kasaysayan ng mundo. Maaaring hindi wikang pandaigdig ang Hebrew o Hungarian ngunit may antas din ito ng kultibasyon na tulad ng Ingles o German. Ang ibig kong sabihin, may karapatan ang alinmang wika, kahit wika ng isang maliit at maralitang bansa, na maging elaborado at makapagsarili bílang wika ng pinakamasalimuot na antas ng komunikasyon at edukasyon.
May kakayahan ba ang Filipino na maging wikang elaborado?
Oong-oo. Matagal nang nakahanda ang wikang Filipino para sa pinakamataas at pinakakomplikadong kultibasyon. Ang mga Filipino ang hindi nakahanda sa gawaing ito. Ang higit na malungkot, hindi rin nakahanda kahit ang mga tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng wikang Filipino.
Bagong Hámon: Kultibasyon ng Filipino
Napakabigat na trabaho ang kultibasyon. Sa maraming bansa sa Europa, isang malaking trabaho ito ng akademya at ng mga masugid na taliba ng wika. Sa Espanya, may Real Academia Español na pormal na nag-uusap sa anumang pagbabagong pangwika at nakapahayag ang kanilang pasiya sa isang diksiyonaryo na iginagálang ng lahat. Marami ding bansang nagpasiyang bumuo ng isang wikang pambansa ang nagtatag ng isang ahensiya upang mangasiwa sa pagpaplano at kultibasyon ng nahirang na wikang pambansa. Ganito ang naging tungkulin ng Institute of National Language o Surian ng Wikang Pambansa magmulang 1936 at tungkuling isinalin sa kasalukuyang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitóng 1991. Kung tutupdin ang hámon noon pa nina A. Gonzelz at B. Sibayan, paano isasagawa ang misyon ng kultibasyon?
Wala namang sinasabing pinakamainam na paraan para sa kultibasyon ng wikang pambansa. Ang masamâ ay kung hindi epektibo ang napilìng paraan. Sa kaso ng pagtatatag ng isang ahensiyang pangwika, gaya ng ating Surian ng Wikang Pambansa, maraming palatandaan na hindi ito nakatupad sa itinakdang mga tungkulin nitó. Iyan ang maituturing na dahilan kayâ higit na mabilis na nabuo ang mga wikang pambansa ng Israel, Malaysia, at Norway samantalang hamak una táyong nakapilì ng wikang nais nating maging kultibadong wikang pambansa.
Sa aking personal na tingin ngayon, dalawa ang naging pangunahing kahinaan ng Surian. Una, wala itong nakasulat na matagalang bisyon o planong pangwika pagkatapos hirangin ang Tagalog bílang batayan ng Wikang Pambansa. Mahihiwatigan lámang ang hilig o interes ng mga pinunò nitó sa kanilang mga talumpati ngunit walang maituturing na blueprint kung paano o ano ang mga dapat gawin upang maging kultibado ang Wikang Pambansa. Ikalawa, ipinailalim ito sa Kagawaran ng Edukasyon. Sa gayon, naging biktima ito ng pabago-bagong pananaw pang-edukasyon ng nagdaang mga administrador ng kagawaran, lalo na ng mga administrador na walang simpatiya sa paggamit ng Filipino bílang wikang panturo. Hindi nagkaroon ng awtonomiya ang Surian upang asikasuhin ang kaso ng wikang pambansa; sa halip, napailalim ito sa pangkalahatang patakarang pang-edukasyon na hindi nangangahulugang kumikilála sa misyon ng Surian.
Subalit tulad ng nabanggit kong unang dahilan, naging limitado ang mga aktibidad at proyekto ng Surian alinsunod sa limitadong bisyon ng mga pinunò nitó. Hindi ko pa nasusuri ngunit hindi ko alam kung paano nagtrabaho ang kalupunan o bord ng Surian pagkatapos nitóng hirangin ang Tagalog bílang batayan. Halimbawa, waring hindi kumilos ang kalupunan nitó bílang mga kinatawan ng mga katutubong wika ng bansa upang itaguyod ang kapakanan ng mga katutubong wika at upang ipanukala ang angkop na mga hakbang tungo sa pagiging “pambansa” ng Tagalog. Sa gayon, nang tuligsain ang Surian ng “purismo” sa kalagitnaan ng dekada 60 ay ni walang di-Tagalog sa kalupunan na nagtanggol sa Surian.
Ang kaso ng “purismo” sa aking palagay ang isang makabuluhang rebelyon sa kasaysayan ng Wikang Pambansa. Hindi man ako ganap na nagtitiwala sa motibasyon ng mga pangunahing tauhan sa naturang tunggalian, ang kontrobersiya ay nagdulot ng magandang bunga para sa kultibasyon ng Wikang Pambansa. Nabunyag ang kahinaan ng “Pilipino” at nagkaroon ng simbolikong pagkilála sa isang higit na makabuluhang Wikang Pambansa na tinawag na “Filipino” sa 1973 Konstitusyon at lubusang kinilála ng 1987 Konstitusyon.
Ang higit na mahalaga, naging daan ito para baguhin ang alpabeto at palitan ang abakadang may 20 titik. Sa simula pa lámang ay may tumututol na sa abakada dahil hindi sapat ang mga titik upang kumatawan sa mga tunog na wala sa Tagalog. Subalit hindi pinansin ng Surian ang problemang ito. Binimbin ang pagpapalit sa abakada sa loob ng halos kalahating siglo. Ang dagdag na walong titik sa makabagong alpabeto ng Filipino ay sagisag ng modernisasyon ng Wikang Pambansa at ng pagsisikap na maiangkop ang wika sa kailangang mga pagbabago. Ang pangalang “Filipino” at ang bagong alpabetong may 28 titik ang pinakamalaking rebolusyon sa Wikang Pambansa upang ihanda ito sa kultibasyong may doble talim—mabilisan at dinamikong kultibasyon sa pamamagitan ng mga katutubong wika ng Filipinas at kultibasyon sa pamamagitan ng mga wikang pandaigdig. Ang masaklap, nagtagal ang pag-iral at pagpapalaganap sa abakada ng “Pilipino.” Umabot na ito halos sa antas ng estandardisasyon at bukod sa nagkakaisang pagtuturo sa paaralan ay sinusunod ng lahat ng manunulat at malaganap na babasahín. Kayâ hindi nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang rebolusyong hatid ng alpabetong may 28 titik. Maraming nalito, lalo na’t hindi nakapagbigay ng magandang paliwanag ang Surian kung bakit kailangan ang bagong alpabeto at kung paano gamitin ang walong bagong titik. Sa halip ipagdiwang ang oportunidad sa modernisasyon ang bago alpabeto, itinuring ng marami na hindi kailangang pagbabago ang paglaya sa limitasyon ng abakada. Nagdagdag ng gulo ang pakikialam ng mga linggwistasero na nais patayin ang balarila ni Lope K. Santos at impluwensiyahan ang establisado nang pagtuturong pangwika.
Ito ang pangunahing sanhi ng hindi kailangang pagbagal sa modernisasyon ng Filipino sa kabilâ ng modernisadong alpabeto. Bumabà ang awtoridad ng Surian at kahit ng bagong tatag na Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Senyas mismo ng instabilidad ang pangyayaring ilang beses nireporma ang patnubay sa ortograpiya sa loob ng maikling panahon(1987, 2001, 2009, 2011), kompara sa matagal na pag-iral ng ortograpiya ng abakada mulang 1940 hanggang 1987. Anupa’t sa estriktong pagsusuri, hindi pa naaabot ng Filipino ang kaganapan ng ikalawang antas ni E. Haugen—ang estandardisadong Filipino. Ang nagkakaisang pagtingin ng lahat sa Anyo ng Filipino.
Mula Anyo Tungo Diwa ng Wika
At hindi makapapasá ang kasalukuyang pagtuturong pangwika hinggil sa naturang pamantayan ng isang kodipikadong wika. May teksbuk na nagtuturo ng nawn, berb, at adjektiv sa halip na pangngalan, pandiwa, atpang-uri. At bakit? Magkakagulo ang mga guro kung alin sa “kuwento” o “kwento” ang wastong ispeling ngcuento. At Bakit? May guro na magpipilit na kailangang sunding mabuti ang tuntunin sa “din” at “rin.” Marami ang naniniwala na isang pantig ang “mga.” Maraming guro ang ni hindi marunong gumamit ng mga tuldik at ni hindi alam ang wastong bigkas sa “paiwà.” Lalo namang malaking hiwaga sa maraming guro kung kailan gagamitin ang walong dagdag na letra ng alpabeto.
Bukod sa hindi nagkakaisa ay semiletrado lámang ang mayorya ng mga guro at tagapagtaguyod sa Anyo ng Wikang Pambansa. Marami nga ang mahihirapang magpaliwanag kung ano ang kaibhan ng “Pilipino” sa “Filipino.” (At kayâ hindi nilá maunawaan ang lohika ng panukala ng KWF ngayon na gamitin ang “Filipinas” sa halip na “Pilipinas.”) Marami sa kanila ang laging sisipi sa “Ang hindi magmahal sa sariling wika/ Mahigit sa hayop at malansang isda” para ipagmalaki ang kanilang pagmamahal sa Wikang Pambansa at dahil sa paniwalang sinabi ito ni Rizal. Sa gayon, hindi silá maniniwala na hindi kailanman ito sinabi ni Rizal at imposibleng maisatula ni Rizal noong walong taóng gulang pa ang ating bayani.
Anyo o Porma pa lámang ng Wikang Pambansa ang tinatalakay natin. Kung mabuway ang ating pagkagagap sa Wikang Pambansa bílang Anyo, paano natin maitataguyod ang kultibasyon nitó? May papel ba ang guro sa tungkuling ito?
May karaniwang palagay na tungkulin ng gobyerno at ng ahensiya nitóng pangwika at pang-edukasyon, gaya ng KWF, DepEd, at CHED, ang kultibasyon ng Wikang Pambansa. Kaugnay nitó ang isa pang malaganap na paniwalang sa antas ng edukasyong tersiyari kailangang maganap ang kultibasyon ng Wikang Pambansa. May batayan ang naturang mga palagay at paniwala. Subalit hindi ganap na totoo. Sa pagpaplanong pangwika, kasangkot ang lahat ng saray at pangkatin ng pambansang lipunan sa lahat ng hakbang na binanggit ni E. Haugen. Sa isang demokratikong sitwasyon, kailangan ang pagsang-ayon ng mayorya simula sa paghirang ng wikang idedevelop bílang wikang pambansa. Kailangan din ang paglalahok sa lahat upang maitatag ang isang estandardisadong Anyo ng wika, at importante ng pakikiisa ng mga makapangyarihang sektor na gaya ng paaralan, mass media, relihiyon, pabliser, atbp upang mahimok ang pakikiisa ng karaniwang mamamayan. Napakahalaga ng pakikiisa ng mga pinunò at empleado ng buong burukrasya ng gobyerno para maitatag ang isang Anyo ng Wikang Pambansa.
Ngayon, hindi ba’t ang kultibasyon ay isang trabahong propesyonal? Na dapat itong ipabahala sa mga taliba ng wika, sa isang espesyal na lupon o kapulungan ng mga eksperto, sa isang ahensiya na tulad ng KWF? Tama, kailangan ang pangangasiwa sa buong pagpaplanong pangwika. Ngunit trabaho ito, kahit ang kultibasyon, ng bawat mamamayang Filipino na nais magtaguyod sa Wikang Pambansa. At nais kong idiin ngayon, malaking tungkulin ito ng guro bílang modelong tagapagtaguyod ng Filipino. Sinabi ko mang hindi pa ganap na tumitiim ang estandardisadong Filipino, kailangang balikatin ng lahat ang kultibasyon ng ating wika.
Para sa mga guro, ang kultibasyon ay kailangang magsimula sa isang pagtuturong may diin sa Diwa. Content-oriented language teaching. Ang kultibasyon ay nangangahulugan ng pagpapalusog sa imahinasyon ng mga mag-aaral. Upang higit na maging kapaki-pakinabang ang paggamit nilá ng ating itinuturong wika. Ngunit ano ba ang Diwa o ang nilalaman ng ating itinuturong wika sa kanila?
Ang sinasabing pagpapayaman sa wikang Filipino ay hindi pagmememorya lang ng mga singkahulugan ngpero, ngunit, subalit, datapwat sa ibang katutubong wika. Apang sa Sebwano. Ngem sa Ilokano. At amna sa Ivatan. O kayâ pagsusurvey kung alin sa pero, ngunit, subalit, datapwat ang higit na ginagamit ngayon. Hindi rin pag-iipon ng mga katawa-tawang bokabularyo mula sa ibang wika. Ang “lagay” palá ay bastos sa Tausug. O kayâ paglilista ng mga varayti kuno ng isang salita sa iba’t ibang diyalekto at sektor panlipunan. Sa halip, ang totoong pagpapayaman sa Wikang Pambansa sa pamamagitan ng mga katutubong wika ay dapat mangahulugan ng mas malawak at mas malalim na pagkaunawa sa kultura ng Filipinas. Bakit epektibo angbodóng bílang prosesong pangkapayapaan sa Cordillera? Ano ang halaga ng tangríb sa yamang dagat ng bansa? Ang parisukát ba ay isang inimbentong konsepto ng hugis?
Ang wika ay hindi midyum lámang ng komunikasyon. Ang wika ay ang nilalamán nitó—ang karunungang ipinahahayag nitó.
Ano ang implikasyon ng isang pagtuturo ng wika na may diin sa Diwa? Bawasan na ang mga drill at memorisasyon. Ang paglilinaw sa bawat bahagi ng pangungusap ay kailangang idugtong sa pagtalakay ng isang mahalagang dalumat o paksa pangkasalukuyan. Higit na magiging interesado ang batà sa pangngalan kung ikokonekta ito sa mga bagay na makikita sa kaniyang komunidad. Turo táyo nang turo sa ubas at mansanas e hindi tuloy alam ng mga tagalungsod kung ano ang kamatsile at guyabano. Noong minsan, tinanong ko ang mga titser ng Bulacan kung ano ang “kalumpit.” Lima sa kanila ang mula sa bayan ng Calumpit. Isa lang sa lima ang nakasagot na punongkahoy ang kalumpit. Lahat silá ay hindi alam kung ano ang itsura nitó. Sa paglilibot ko sa buong bansa upang ipaliwanag ang exhibit na Sagisag Kultura ng NCCA, wala pa akong natagpuang estudyante na nakakikilála sa “kálaw.” Isang taón nang pinalalaganap ng KWF ang isang Ortograpiyang Pambansa ngunit natitiyak kong kalahati sa inyo ang ni hindi nakabása sa DepEd Memo blg 34, seryeng 2013. Dalawang taón na naming inililibot ang Sagisag Kultura ng NCCA at hinihikayat ang lahat na gamitin ang 2000 impormasyong nakapaloob sa saliksik ngunit iilan ang mga guro na nagkukusang ipasok ang mga ito sa kanilang leksiyon sa klase.
Ang pagpaplanong pangwika, lalo na ang kultibasyon, ay hindi kailangang magsimula sa pagsasa-Filipino ng pagtuturo ng agham, matematika, at makabagong teknolohiya. Hindi natin mapipilit ang mga doktoradong propesor at propesyonal na gawin ito. Sa halip, kailangang mag-aruga táyo ng magiging mga bagong doktorado at propesyonal. Kailangang alagaan ang kanilang interes at imahinasyon mulang pagkabatà, mulang K–12, upang pagkatapos nilá ng kolehiyo ay isaisip nilá ang kultibasyon ng Filipino bílang isang tungkuling makabayan. Sa madalîng salita, kayong mga guro sa elementarya at hay-iskul ang unang tagapagmulat sa inyong mga estudyante hinggil sa kabuluhan ng kultibasyon ng ating wika. Malaki ang aking paniwala na magaganap o bibilis ang kaganapan ng kultibasyon ng wikang Filipino kung dibdibang lalahok ang ating mga guro sa pagpapalusog sa Diwa ng pagtuturong pangwika o kung ang mga guro ay maging mga uliran sa paggamit ng wikang tigib sa makabuluhang nilalaman.
Sa yugtong ito, hindi dapat magtapos ang pagtataguyod natin sa Wikang Pambansa sa pamamagitan ng pagmamahal. Higit pa sa pagmamahal at pagpapamahal sa wikang Filipino, kailangang ituro natin ito bílang wika ng karunungan, bílang wikang magpapalusog sa imahinasyon ng bawat kabataan upang aktibong makalahok sa pambansang pagkakaisa at kaunlaran.
Ferndale Homes
15 Agosto 2014
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento