Kasaysayan ng El Filibusterismo

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG EL FILIBUSTERISMO

• Ang ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal na El Filibusterismo, ang sikwel o karugtong ng Noli Me Tangere, ay sinimulan niyang isulat sa kanyang tinubuang Calamba noong Oktubre, 1887, sa kaparehong taon kung kailan natapos ang manuskripto at maipalimbag ang kanyang unang nobela. Makalipas ang halos isang taon, 1888, nirebisa ni Dr. Rizal sa London ang halos lahat ng naisulat na niya sa ikalawang nobela. Gayunman, may mangilan-ilang sanggunian ang nagsasabing nasimulan niyang isulat ito sa London habang tinatapos pa niya ang pagsusulat ng Noli Me Tangere. Kung pagbabatayan naman ang talambuhay ni Dr. Rizal, tumataliwas ang pahayag na ito dahil hindi man lamang nabanggit ang London sa mga bayan na pinuntahan ni Dr. Rizal habang sinusulat pa niya ang kanyang unang nobela. Ayon sa aklat na “Rizal’s Life, Works, and Writings” ni G. Gregorio F. Zaide, sinimulang isulat ni Dr. Rizal ang unang mga kabanata ng Noli Me Tangere sa Madrid, Espanya noong 1884; ipinagpatuloy niya ito sa Paris, Pransiya; maging sa Wilhelmsfeld, Alemanya sa loob mismo ng mga buwang Abril–Hunyo; at tinapos sa Berlin, Alemanya sa huling mga buwan ng 1886 at ipinalimbag sa Berliner Buchcdrukrei Action Gesselchaft noong Marso 29, 1887 sa halagang Php300 para sa 2,000 kopya. Samantala, ipinagpatuloy naman niya ang pagsusulat ng El Filibusterismo sa Paris, Madrid, at Biarritz, Pransiya. Mapapansing iba-ibang lugar ang napuntahan ni Dr. Rizal habang sinusulat pa niya ang kanyang mga nobela. Para sa Noli Me Tangere, ang mga dahilan ay may kinalaman sa kanyang pamamasyal sa iba’t ibang bansa at sa kanyang propesyon. Samantala, mula sa Biarritz, Pransiya kung saan niya tinapos ang pagsusulat ng ikalawang nobela ay lumipat naman siya sa Ghent, Belgium dahil sa dalawang bagay: (1) makaiwas kay Suzanne Jacoby na kanyang sinisinta nang mga oras na iyon, at (2) higit na mababa ang halaga ng palimbagan sa nasabing lugar. Tanong: Bakit niya iniwasan si Suzanne Jacoby sa mga sandaling iyon kung tunay niya itong sinisinta? Sa kabila ng silakbo ng pagmamahal, kinailangan niyang iwasan ang kanyang damdamin kay Suzanne Jacoby alang-alang sa maalab niyang pag-ibig sa Filipinas. Isinakripisyo ni Dr. Rizal ang kanyang nararamdaman sa isang babae―ang kanyang personal na pangangailangan―dahil higit na kailangan siya ng kanyang mga kababayang patuloy na nagtitiis sa panlalapastangan ng mga Espanyol. Dahil na rin sa nagsilbing aral para sa kanya ang masaklap na mga karanasan sa pagpalalathala ng Noli Me Tangere, nanirahan siya sa masikip na kuwarto ng kanyang kaibigang si Jose Alejandrino para lamang maipalimbag ang kanyang El Filibusterismo sa F. Meyer-Van Loo Press, No. 66 Viaanderen Street, Ghent, Belgium. Ayon sa isa sa mga anekdota ni Jose Alejandrino para kay Dr. Rizal, labis-labis ang pagtitipid na ginawa niya para lamang maging matagumpay ang pagpapalimbag sa El Filibusterismo. Ayon kay G. Alejandrino, sang-ayon sa aklat muli na “Rizal’s Life, Works, and Writings” ni G. Gregorio F. Zaide, ang tinutuluyan nilang apartment ay may sariling canteen pero sa halip na kumain doon, dahil sa mas mapapamahal sila, ay bumili na lamang si Rizal ng isang latang biskuwit at ilang kape para sa mga almusal nilang dalawa sa loob ng isang buwan. Ang ginawa pa ni Dr. Rizal, hinati niya nang pantay para sa kanilang dalawa ang mga biskuwit. Si G. Alejandrino, dahil sa hindi nakasusunod sa kanyang rasyon o kung ilang biskuwit lamang ang kanyang kailangang kainin sa isang araw, ay halos maubos na ang kanyang mga biskuwit sa loob lamang ng kalahating buwan. Samantala, si Dr. Rizal ay nagawa mismong tipirin ang sarili sa pagkain para lamang maipalimbag ang kanyang nobela. Subalit sa hindi magandang palad, tulad sa mga nangyari sa kanya habang ipinapalathala ang unang nobela, muli na namang kinapos sa salapi si Dr. Rizal. Naubos na ang perang nakuha mula sa pagsangla niya sa kanyang mga alahas. [Hindi lamang malinaw kung may kinita siya mula sa mga pinagbilhan ng kanyang unang nobela.] Muli na naman siyang humingi ng tulong sa kanyang mga kaibigan ngunit natalagan bago dumating kaya noong 6 Agosto 1891 ay itinigil ang paglilimbag sa nobela na noo’y nasa ika-112 na pahina na. Hindi nagtagal, tulad muli sa mga nangyari habang ipinapalimbag ang Noli Me Tangere, ay dumating ang salaping kailangan ni Dr. Rizal mula sa isa sa kanyang mga kaibigan na si Valentin Ventura na noo’y nasa Paris. Sa tulong ng sugo ng Diyos, ang ikalawang nobela ni Dr. Rizal ay natapos sa pagpapalimbag noong 18 Setyembre 1891.

Ang El Filibusterismo ay binigyan ng iba’t ibang saling-pamagat. Sa wikang Ingles, ito ay isinalin bilang “The Filibustering”. May salin din ito sa wikang Ingles na ang pamagat ay “The Reign of Greed” na tinumbasan naman sa wikang Tagalog ng “Ang Paghahari ng Kasakiman”. Sa ibang aklat sa wikang Ingles, ito ay “The Subversive” na ang salin naman sa wikang Filipino ay “Ang Subersibo”. Anuman ang pamagat, ang salitang filibusterismo ay nanggaling sa salitang Kastila na “filibustero” na hiniram naman sa salitang Pranses na “flibustier” na tumutukoy sa sumusunod na mga kahulugan: pirata (pirate), isang taong mangingikil ng buwis o pag-aari ng iba (plunderer), at isang taong may kinalaman sa rebolusyon o pumupunta pa sa ibang bayan para suportahan ang isang pag-aaklas (freebooter). Ayon mismo kay Dr. Jose Rizal, na mababasa rin sa ginawang introduksiyon ng kaibigan niyang si Ferdinand Blumentritt para sa kanyang ikalawang nobela, ang “filibustero” ay nangangahulugang “mapanganib na taong (makabayan) mamamatay kahit na anong oras”. Ito ang kontekstuwal na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at ilang Filipino noon na nakaaalam ng salitang ito. Unang pagkakataon na narinig ito ni Dr. Rizal ay noong binitay ang tatlong paring martir dahil sa pagkakadawit sa Cavite Munity. Labis-labis na pagkabalisa ang idinulot ng salitang ito sa mga Filipino maging sa mga nakapag-aral dahil ito ay parang parusang bigla na lang ipapataw ng mga Espanyol sa kung sinumang Filipinong nais nilang mamatay. Dahil dito, ipinagbawal mismo ni Francisco Mercado, ama ni Dr. Rizal, ang pagbanggit ng mapanganib na salitang ito, maging ng mga salitang “Cavite” at “Burgos” (isa sa tatlong paring martir na kaibigan ng kapatid ni Dr. Rizal na si Paciano), dahilan para kakaunti lang ang nakaaalam ng salitang ito.

Labing-isang taong gulang pa lamang noon si Dr. Rizal nang masaksihan niya ang kalunos-lunos na pagbitay sa tatlong paring martir, ang GOMBURZA, na sina Mariano Gomez de los Angeles, Jose Apolonio Burgos y Garcia, at Jacinto Zamora y del Rosario. Marami ang nalungkot at marami ang nagalit dahil pinatay ang tatlong paring inosente na nadawit lamang sa Cavite Mutiny. Ang Cavite Mutiny ay ang pag-aaklas noon sa Cavite ng tinatayang 200 pinagsama-samang manggagawang Filipino at lokal na mga sundalo dahil sa sapilitang paggawa o polo y servicio at pagkakaltas ng buwis ng mga Espanyol sa natatanggap nilang bayad. Gayunman, ang pag-aaklas na ito ay hindi naging matagumpay dahil lahat ng nagsipag-aklas ay hinuli, pinarusahan, at pinatay. Sinuman ang sumubok na sumuporta at tumulong sa pag-aaklas ay parehong kapalaran ang sinasapit. Dahil sa maraming Espanyol lalong-lalo na ang mga prayle ang galit at naiinggit sa GOMBURZA, idinawit nila ang mga pangalan ng tatlong pari bilang mga filibustero. Sila ay binitay sa pamamagitan ng garote sa Bagumbayan (ngayon ay Luneta Park) noong 17 Pebrero 1872. Ang karumal-dumal na pangyayaring iyon, kahit maraming taon na ang lumipas, ay kumintal sa isipan at bumiyak sa puso ni Dr. Rizal kaya ang GOMBURZA ang kanyang pinag-alayan ng pagsusulat ng nobelang El Filibusterismo. Ano’t anuman, nang isulat ni Dr. Rizal ang dedikasyon sa nobela ay nagkaroon ng kaunting pagkakamali ang bayani. Sa kanyang orihinal na sipi, naisulat niya na binitay ang GOMBURZA noong 22 Pebrero 1872 at hindi 17 Pebrero 1872 na siyang talang pangkasaysayan. Maging sa pagsasama ng edad ng tatlong paring martir ay nagkaroon ng dalumat: si Mariano Gomez na namatay sa edad na 72 ay nailahad ni Dr. Rizal ng 85 taong gulang; si Jose Burgos, ayon sa bayani ay namatay sa edad na 30 pero ayon naman sa mga historyador ay 35 taong gulang; at si Jacinto Zamora naman ay namatay sa edad na 36 pero ayon kay Dr. Rizal ay 35 taong gulang.

Tulad sa nabanggit sa unang bahagi ng tekstong ito: nirebisa ni Dr. Rizal sa London ang halos lahat ng naisulat na niya sa ikalawang nobela noong 1888. Ito ay may kinalaman mismo sa kanyang naging mga inspirasyon sa pagsusulat; ngunit naiiba sa mga inspirasyon ng ibang manunulat―ang kanyang masasakit na karanasan sa totoong buhay―dahilan para maging mabigat ang mga emosyon at mga pangyayaring mayroon sa El Filibusterismo. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: (1) ang pagmamalupit ng mga paring Dominiko sa mga magsasaka ng Calamba at sa kanyang pamilya―matutunghayan sa Kabanata 4; (2) ang pagkamatay ng dalawang Filipino sa Madrid na sina Felicisimo Gonzales at ang kaibigan niyang si Jose Maria Panganiban; (3) ang away nilang dalawa ni [Heneral] Antonio Luna dahil sa isang babae, si Nelly Bousted; (4) ang tunggalian sa pagitan nila ni Marcelo H. del Pilar sa pamumuno ng samahan ng mga Kastila at mga Filipino sa Espanya―mababasa sa unang mga bahagi ng nobela ukol sa pagpapatayo ng Akademya ng wikang Kastila; at (5) ang pagpapakasal ng kanyang kasintahang si Leonor Rivera sa isang inhinyerong Ingles na si Henry C. Kipping―matutunghayan sa huling mga bahagi ng nobela, sa kabanata kung saan nagpakasal si Paulita Gomez kay Juanito Pelaez.

• Tulad sa Noli Me Tangere, ang ilang tauhan sa nobelang ito ay hinango mismo ni Dr. Rizal sa tunay na buhay: (1) ang ginagalang na paring Filipino na si Padre Florentino ay walang iba kundi si Padre Leoncio Lopez na malapit na kaibigang pari ni Dr. Rizal; si Isagani ay si Vicente Ilustre na isang makata; si Paulita Gomez ay si Leonor Rivera, ang malayong pinsan ni Dr. Rizal na naging kasintahan niya, si Leonor Rivera din si Maria Clara sa Noli Me Tangere, mapapansin na magkaiba ang mga katangian nina Maria Clara at Paulita Gomez pero pareho lamang hinalaw sa iisang tao; si Simoun, ang pangunahing tauhan, ay walang iba kundi si Simon Bolivar, ang tagapagpalaya ng Katimugang Amerika mula sa pananakop ng Espanya; si Padre Salvi ay si Padre Antonio Piernavieja; si Donya Victorina ay si Donya Agustina Medel; at si Kapitan Tiago ay si Kapitan Hilario Sunico.

• Para sa inyo, alin nga ba ang superyor o mas nakaaangat: ang Noli Me Tangere ba o ang El Filibusterismo? Sa bagay na ito, nahati ang mga opinyon ng mga kaibigan ni Dr. Jose Rizal. Para kina Ferdinand Blumentritt, Graciano Lopez-Jaena, Dr. Rafael Palma (kapatid ni Jose Palma na siyang nagsatitik ng “Lupang Hinirang”), at marami pang iba, ang higit na nakaaangat ay ang El Filibusterismo. Para naman kina Marcelo H. del Pilar, Wenceslao Retana (hindi siya kaibigan ni Dr. Rizal, sa katunayan ay isa siya sa mga Espanyol na bumatikos ng Noli Me Tangere at nakaaway mismo ng bayani pero nang mamatay si Dr. Rizal ay doon siya labis na humanga rito at siya ang kauna-unahang gumawa ng talambuhay ni Dr. Jose Rizal), maging kay Dr. Jose Rizal, ang superyor ay ang Noli Me Tangere. Sang-ayon mismo kay Dr. Rizal, siya ay nakaramdam ng [grain of salt] tampo (tabang) sa mga nagsabing mas nakaaangat ang kanyang ikalawang nobela. Sa kabila ng kanya-kanyang opinyon, dumating naman ang pinakamagandang reaksiyon mula sa isa sa mga kaibigan ng bayani―si Mariano Ponce― “It is, indeed, excellent. I can say nothing of your book, but this: it is really marvelous like all the brilliant productions of your pen. It is a true twin of the Noli.”

 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Haring Midas (Mito mula sa Gresya)

Bakit Kailangan Ng Filipino Ang Filipino ni Virgilio Almario

Nakaiwas si Melchizedek sa Bitag (Parabula mula sa Italya)